Nasa yugto tayo ng pagbalikwas.
Sa pagbubukas ng bagong akademikong taon sa unibersidad at ng huling taon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno S. Aquino III, malawak na lunan ng tunggalian ang ating pamantasan at ang bayan. Sa patung-patong na isyung kinakaharap ng bayan, mananatiling mapagbantay, mapanghamon, mapanuri, at mapanghawan tungo sa makatarungang pagbabago ang mga pahina ng Philippine Collegian—ang Kule.
Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng tunggalian. Ang panunungkulan ni Aquino ay tigib ng ilusyon, delusyon, pandarambong, kasinungalingan at paglapastangan sa mamamayan. Walang pinakinggan ang administrasyong Aquino sa mga panawagan ng taumbayan sa loob ng kanyang limang taong panunungkulan. Naghihikahos na mamamayan ang iiwan ng pangulo sa pagtatapos ng kanyang termino. Bukod pa rito ang minanang utang ng bayan na kailanma’y tila hindi mababayaran at perenyal na ipinababalikat sa sambayanan.
Anumang isyu pa man ito, hindi matitinag ang Kule kasama ang mamamayan, sa paghahawan ng panibago at progresibong kasaysayan. Buong tapang na susuungin ng Kule ang kasalukuyang hamon sa lakas at tikas ng bayan.
Masigasig na babantayan ng publikasyon ang nakasalang na pambansang badyet na lantarang binubusabos ng mga nasa posisyon. Pilit mang itago, lutang ang tunay na hangarin ng pangulo — maglaan ng malaking pondo para sa kanyang partido sa nalalapit na halalan.
Binigyang-diin din ng administrasyong Aquino ang pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asya sa paniniwalang makakamit ng bansa ang antas ng ekonomiya ng mga kapitbahay na bansa. Ibinandera din ng pangulo ang kanyang proyektong public-private partnership (PPP) na siya umanong lulutas sa kahirapang dinaranas ng mamamayang Pilipino. Ngunit sa halip na tulong, pinagkakakitaan ng mga dayuhan ang kakarampot na pag-aari ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, malaking proyekto ang pinaghahandaan ng pangulo bago pa man matapos ang kanyang termino — ang ASEAN integration na isang pangunahing hakbang upang patatagin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga karatig-bansa at ng Estados Unidos. Kaya naman pilit na inihahanay ng pangulo ang edukasyon ng bansa sa iba pang institusyong pang-akademiko sa Asya.
Sapilitan ding ipinayayakap sa mga Pilipino ang bagong programa na K to 12 kung saan dinagdagan ng dalawang taon ang pag-aaral sa elementarya at sekundarya. Hindi pa man sapat ang pondo sa edukasyon, kulang ang mga guro at pasilidad, panibagong dagdag pasanin na naman ito sa mga mag-aaral at magulang.
Hindi bulag ang pangulo sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa ngunit higit niya itong pinalala sa pamamagitan ng mga neoliberal na palisiya sa edukasyon tulad ng K to 12 program at Roadmap to Public Higher Education Reforms. Layunin ng mga programa na gawing pribado ang edukasyon, gatasan ang mga magulang at mag-aaral, at talikuran ang konstitusyonal na responsibilidad ng gobyerno na tiyaking makapag-aaral ang lahat ng mamamayan sa lahat ng antas ng edukasyon.
Sa Unibersidad ng Pilipinas, ginigipit ang mga estudyante sa kanilang karapatang makapag-aral. Hindi na lamang mataas at mapagpanggap na sistema na pagdiskwento sa matrikula sa porma ng Socialized Tuition System ang kinakaharap ng mga estudyante, kundi maging ang kawalan ng matutuluyan. Tinutulak ang mga estudyante na manirahan sa mga semi-private na dormitoryo na dagdag pasakit sa bulsa, emosyon at pag-aaral.
Hindi rin makatarungan ang pagtaas ng presyo ng edukasyon sa porma ng Other School Fees na maiuugat sa kulang na badyet na inilalaan ng pamahalaan. Kaya naman kinakailangang pumasok ng mga state universities at colleges tulad ng UP sa mga pribadong transaksyon, isang solusyon ang problema ng kakulangan sa badyet.
Sa labas ng pamantasan, makikita ang pinalalang sitwasyon ng kahirapan, disempleyo, barat na pasahod, kawalan ng aksyon para sa mga biktima ng bagyong Yolanda, pagkibit-balikat ng rehimen sa usapin ng repormang agraryo, pagkaantala ng usaping pangkapayapaan, patuloy na paglabag sa karapatang-pantao, at pagpapabaya sa batayang serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan, pabahay, at edukasyon.
Kinukutkot ang taumbayan ng panibagong yugto ng pangamba lalo na sa usapin ng pagpapalamon ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang kapital.
Sa pagbubukas ng ika-93 taon ng Kule, walang espasyong ilalaan sa pag-aatubili. Magpapatuloy ang pahayagan sa matapang nitong pagtugon sa hamon ng panahon. Isasapubliko ng pahayagan ang bawat transakysyon at plano ng administrasyong lalo na sa usapin ng pagpasok ng UP sa iba’t ibang kontrata kasama ang mga pribadong kompanya. Gayundin magiging mapagmatyag ang Kule sa usapin ng benepisyo at sahod ng mga empleyado, kawani at guro ng pamantasan.
Walang naratibo ng pananamantala mula sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, kababaihan at kabataan ang palalagpasin ng Kule. Walang pasubaling ipagpapatuloy ng pahayagan ang ilang dekada ng matapang, matalas at matalab na pamamamhayag.
Kikilatisin at iuulat ng pahayagan ang bawat yugto ng paglaban ng mga mamamayan sa mga palisiya at kapalpakan ng rehimeng Aquino. Ipagpapatuloy ng Kule ang tradisyon ng malayang kritikal na pamamahayag.
Sa unang isyu ng Kule ngayong taon, patuloy na ipinapanawagan ng pahayagan ang pagpapatalsik sa pangulong umabuso sa kanyang kapangyarihan at batas. Hindi mananatiling tagapagmasid ang Kule. Sasabay ang pahayagan sa mabilis na pagbabago ng panahon kung saan gagamitin ang iba’t ibang lunsaran upang maarmasan ang malawak na bilang ng mga estudyante ng malalim at napapanahong mga ulat at suri. Sa laban at tagumpay ng mamamayan, kahingian ng panahon ang pumanig sa mamamayang inaapi pero bumabalikwas.
Makikiisa sa pagkatha ng bagong pahina ng kasaysayan ang Kule. Patuloy na papanig at babalikwas ang pahayagan sa mga batayang sektor na naaapi — singtingkad at singtalas ng nakasanayan.